Gapos gang muling sumalakay

MANILA, Philippines - Nagbabala ang pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD) laban sa  kilabot na ‘Gapos gang’ matapos na muling­ mambiktima ng isang pamilya sa lungsod at tumangay ng mahigit sa P100, 000 halaga ng salapi at gamit, ayon sa pulisya kahapon.

Ayon sa report muling umatake ang grupo sa bahay ng isang Esmely Adviento, 63, meat vendor, na matatagpuan sa Alley 2, Brgy. Project 6 sa lungsod.

Ayon kay PO3 Jonathan Bustarde, may-hawak ng kaso, hindi­  umano aakalain na mga kawatan  ang apat na mga suspect dahil sa kasuotan ng mga ito na pawang mga naka-postura at disenteng tignan, gayunman armado ang mga ito ng matataas na kalibre ng baril at ang iba ay naka-silencer pa.

Sa ulat ni Bustarde, nangyari ang pag-atake ng mga sus­pect­ sa bahay ng biktima nitong Linggo ng alas-10 ng umaga­. Diumano­, naghahanda ng kanilang agahan sina Esmely at ka­sambahay na si Mea Jinky Arellano sa may kusina nang big­lang­ pumasok ang apat na mga suspect na armado ng baril.

Sinasabing nagawang makapasok ng mga suspect sa bahay nang makitang bukas ang gate nito. Sa loob ng bahay, dalawa sa mga suspect ang mabilis na umakyat sa ikalawa at ikatlong palapag ng  apartment, habang ang dalawa naman ay tinutukan ng baril ang buong pamilya saka iginapos at ikinulong sa isang kuwarto.

Dito ay tinakot umano ng dalawang suspect ang mga biktima na huwag gagawa ng ingay na maaring makapagbigay ng atensyon sa kapitbahay kung hindi ay maaaring may mang­yaring masama sa kanila. Matapos nito, nang makuha ng mga suspect ang pakay sa bahay ng mga biktima ay agad na umalis ang mga ito at tumakas.

Nauna nang nagbabala si QCPD director Police Senior Supt. Richard Albano sa publiko laban sa grupo matapos na maaresto ang lider ng isang grupo na si Jonathan Cuya na sangkot sa serye ng robbery sa lungsod at karatig lugar. Dito ay sinabi ni Albano na may natitira pang miyembro si Cuya na maaring gumawa ng nasabing pag-atake.

 

Show comments