City hall employee, timbog sa kotong

MANILA, Philippines - Arestado ang isang  empleyado ng Manila City Hall ma­tapos ang isang entrapment operation kamakalawa ng hapon  sa harap ng isang  hotel sa Ermita, Maynila.

Kinilala ni  Chief Insp.  Bernabe Irinco, Jr., hepe ng  Manila CHAPA, ang suspect na si  Ronald Recuenco, alias Booggy na kasalukuyang nakatalaga sa Department of Public Services.

Batay sa pahayag ng  biktimang si John Gilbert dela Cruz, 28, kitchen staff ng Century Seafood Restaurant, nahuli siya sa kasong beating the red light kung kaya’t  nais niyang tubusin ang kanyang lisensiya.

Kinausap umano siya ni  Recuenco kung saan  nag-alok ito na sa kanya na lamang  tubusin ang driver’s license sa halagang P2,500 kumpara sa ibabayad nitong P3,200.

Nang kanyang  sabihin kay Recuenco na hindi niya ma­ibibigay ang halagang P2,500, sinabihan siya nito na ma­aaring tumaas pa ang  halaga  kung  patatagalin pa.

Dahil dito,  agad na nagsagawa ng  entrapment ang  mga tauhan ni Irinco kung saan huli sa akto si Recuenco  na tinatanggap ang  marked money.

Sinampahan ng kasong Anti-Red Tape Act (Anti-Fixing Law) si Recuenco sa piskalya.

Show comments