Oil price hike na naman!

MANILA, Philippines - Tuluy-tuloy ang  pagtaas sa presyo ng petrolyo makaraang magpatupad ng ikapitong oil price hike ang mga kompanya ng langis sa bansa kahapon ng umaga.

Dakong alas-6 ng umaga nang sabay-sabay na magtaas ng kanilang presyo ang Pilipinas Shell, Petron Corp., Chevron Philippines, Total Corp. at SeaOil Philippines.

Sa kabila ng ipinatutupad na deregulasyon sa presyo ng langis, pare-pareho ang presyo ng itinaas sa kanilang produkto ang mga kompanya ng langis.  Nasa P.45 sentimos kada litro ang itinaas sa presyo ng premium at unleaded gasoline at P.90 sentimos kada litro naman sa presyo ng diesel.

Patuloy na pinaninindigan ng mga tagapagsalita ng mga oil companies ang mahal­ na halaga ng inaangkat nilang finished products sa Singa­pore at pagbulusok ng halaga ng piso. Tali naman ang Depart­ment of Energy (DOE) sa patuloy na pagtaas sa presyo ng petrolyo.

Dahil dito, nag-umpisa na rin sa kanilang kilos-protesta ang militanteng grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) makaraang lusubin ang tang­gapan ng Chevron sa Ayala Avenue­, Makati City kahapon ng umaga­.

Sinabi ni George San Mateo, tagapangulo ng PISTON, na patuloy ang ginagawang pagpapahirap ng mga kompanya ng langis sa mga pobreng tsuper habang apektado na rin ang mga ordinaryong Pilipino dahil sa pagtaas sa presyo ng pangunahing bilihin.

Kinondena rin ng grupo ang patuloy na kawalang-aksyon umano ni Pangulong Benigno Aquino III sa naturang problema at patunay lamang na peke ang ipinagmamalaking kaunlaran ng kanyang administrasyon.  Nangako ang grupo na magkakaroon ng lingguhang kilos-protesta hanggang sa SONA ng Pangulo sa Hulyo.

Show comments