63,000 pasahero naka-libreng sakay sa LRT

MANILA, Philippines - Mahigit sa 63 libong mga pasahero ang nakatikim ng libreng sakay sa Light Rail Transit Line 1 at Line 2 kahapon ng umaga bilang regalo ng LRT Authority (LRTA) sa kanilang mga pasahero kaugnay ng selebrasyon ng Araw ng Kalayaan.

Nasa 47,716 pasahero ang nakalibre ng sakay sa LRT Line 1 (Roosevelt-Baclaran­) at 15,489 sa Line 2 (Santolan-Recto) mula alas-7 hanggang alas-9 ng umaga, ayon kay LRTA spokesman Hernando Cabrera.

Inaasahan naman na lo­lobo pang lalo ang bilang dahil sa ipinatupad pang dalawang oras na libreng sakay sa hapon mula alas-5 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi.

Nilinaw naman ni Cab­rera na sa kabila na libre ang sakay sa naturang mga oras, dumaan pa rin ang mga pasahero sa mahigpit na inspeksyon ng kanilang mga guwardiya na normal nilang ipinatutupad.

Samantala, nakakatanggap naman ng patuloy na papuri at batikos ang LRTA sa ipinatutupad nitong “crowd control” sa bawat istasyon.  Kabilang sa mga papuri na natatanggap ay ang tiyak na makakasakay ang mga pasahero na makakapasok sa platform dahil sa hindi gaanong siksikan ang loob ng tren.

Ngunit pinuna naman ang LRTA sa sobrang haba ng pila sa labas ng mga istasyon kung saan mas lalong lantad sa mga kri­minal na mandurukot ang mga pasahero at maging sa ulan.  Binira rin ang LRTA dahil sa kahit may “crowd control” na ipinatutupad ay nagpapadala pa rin sila ng “skip train” sanhi upang lalong bumagal ang pagdating ng mga nagsasakay na tren.

Inamin naman ni Cabrera nitong Hunyo 11 na kapos pa rin sa tren ang LRTA at inaasahan na darating ang dagdag na mga tren sa ikaapat na bahagi pa ng kasalukuyang taon.

“May train shortage kaya mahaba ang interval ng dating­ ng train,” ani Cabrera.  “By 4th quarter of this year, LRTA will be able to start deploying additional trains.”

Show comments