MANILA, Philippines - Umabot sa 17.9 milyong halaga ng nakumpiskang controlled precursors and essential chemicals (CPECs) at laboratory equipment na ginagamit sa produksyon ng shabu ang winasak ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kahapon sa Valenzuela City.
Ayon sa ulat ng PDEA, ang winasak na CPECs at mga kagamitan ay nakumpiska ng kanilang tropa mula sa mega-clandestine laboratory sa Km.19, East Service Road, Brgy. San Martin de Porres, Parañaque City na kanilang nabuwag noong Hunyo ng nakalipas na taon.
Ayon kay PDEA Undersecretary Arturo Cacdac Jr., ang laboratoryo sa Parañaque ay tatlong ulit na mas malaki kaysa sa isang ektarya ng laboratory sa Ayala, Alabang.
Ang pagwasak sa mga kemikal at kagamitan ay ginawa sa Green Planet Management, Incorporated (GPMI) sa Barangay Punturin, Valenzuela City, isang accredited treatment facility ng DENR. Sabi ni Cacdac, may kabuuang 61,545 litro ng liquid chemicals (composed of toluene, acetone, hydrochloric acid, sulfuric acid, ethanol, benzyl cyanide, acetic acid, methyl ethyl ketone), at 8,444 kilograms ng solid chemicals (kabilang ang iodine, sulfamic acid, sodium hydroxide, red phosphorus, activated carbon, hydrochloric acid, at iba pang negative solid chemicals) ang winasak sa pamamagitan ng chemical treatment method. Giit ng opisyal, sa proseso na kanilang ginawa ay wala nang posibilidad na ang orihinal na komposisyon ng kemikal ay maaari pang marekober mula sa pagkasira nito.