Istasyon ng pulisya, hinagisan ng granada

MANILA, Philippines - Naalarma ang mga pulis sa isang istasyon ng pulisya sa lungsod Quezon matapos na hagisan ito ng isang granada   kahapon ng madaling araw.

Inihagis ang granada  ganap na alas-2:48 ng mada­ling araw sa may harapan ng Fairview Police Station na matatagpuan sa kahabaan ng Pearl St., Brgy. Fairview.

Ayon kay Superintendent Eleazar Matta, hepe ng Fairview Police Station, ang granadang ibinato ay tumama sa salamin ng harapang pintuan ng istasyon at nagdulot ng takot sa kanyang mga tauhan na naka-duty ng nabanggit na oras.

Dagdag ng opisyal, walang nakakita kung sino ang naghagis ng granada.

Matapos anya ang pag­hagis ng granada, narinig na lang ng kanyang mga tauhan ang andar ng motorsiklo na humaharurot papalayo sa kanilang istasyon.

Samantala, ayon naman kay Inspector Noel Sublay, hepe ng QCPD-EOD, ang inihagis na granada ay walang lamang pulbura at hindi na sasabog.  Dahil dito naniniwala si Sublay na pananakot lamang ang ginawang paghahagis ng granada. 

 

Show comments