Bahay ng Bldg. Administrator nilooban, P.3-M halaga ng ari-arian natangay

MANILA, Philippines - Sa loob lamang ng 20 minuto, nagawang mapasok ng mga magnanakaw ang bahay ng isang building administrator at tumangay ng hindi bababa sa halagang P300,000 na mga alahas at isang laptop computer sa lungsod Quezon, kamakalawa ng gabi.

Ayon kay SPO2 Marlon Zabala ng Quezon City Police District (QCPD) Masambong station­, ang mga magnanakaw ay nagawang malampasan ang security guard at security cameras, na noon ay naka-off nang mangyari ang insidente.

Sabi ni Zabala, may hawak ng kaso, nawala sa biktimang si Emma Regondola, 55, administrator ng Gonzales Building sa may panulukan ng EDSA at Muñoz Ave. sa Brgy. Katipunan, ang mga alahas na halagang P200,000; dalawang relo, P50,000; at isang laptop computer na halagang P26,000.

Sa ulat ni Zabala, ang mga suspect ay nagawang makapasok sa kuwarto ni Regondola­ nang iwan ito ng huli nang walang tao sa pagitan ng alas-6 ng gabi at 6:20 ng gabi nitong Sabado.

Sinabi ng imbestigador na nagawang malampasan ng mga suspect ang isang security guard at sinira ang lock ng kuwarto ng biktima. Kasunod nito ay sinimulang kunin ng suspect ang mga gamit ng biktima sa loob saka tumakas.

Dagdag ni Zabala, bagama’t ang gusali ay may ilang security cameras, wala man lamang sa mga ito ang nakabukas nang oras na mangyari ang pagnanakaw kung kaya wala man lamang nakuhanan ng video ng mga magnanakaw.

Gayunman, ilang mga fingerprints ang nakuha mula sa crime scene na maka­katulong para makilala ang mga suspect.

Show comments