Pasaway na MMDA enforcer itatapon sa kangkungan

MANILA, Philippines - Ipatatapon sa kangkungan ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino ang mga scalawag at pasaway na traffic enforcers na may mga nakabimbing reklamo at paulit-ulit na nasasangkot  sa anomalya.

Ayon kay Tolentino, sisimulan niya ang pagbalasa sa mga traffic enforcers at ililipat ang mga ito sa iba’t ibang lan­sangan sa Metro Manila upang  mas maging epektibo sa kanilang trabaho.

Layunin ni Tolentino sa gagawing pagbalasa ay upang maiwasan  ang “familiarization” o ang pagiging kabisado ng mga traffic enforcers ang likaw ng bituka ng mga motorista sa kanilang lugar partikular ang mga tsuper ng pampublikong sasakyan na napagbibigyan,  na  posibleng ang    kapalit  ay  â€œlagay”.

Ang mga traffic enforcers naman na may mga naka­bimbin kaso na hindi pa nareresolba ay itatalaga naman sa ibang lugar habang ang mga nahaharap sa seryosong kaso ay sisibakin na.

Idinagdag pa ni Tolentino, na upang hindi masagasaan ang bilang ng mga traffic enforcers na apektado sa balasahan, itatalaga na rin sa lansa­ngan ang may 500 miyembro ng Rescue Team sa kahabaan ng EDSA Avenue upang ma­katulong sa pagsasa-ayos ng daloy ng trapiko.

Binigyan-diin ng MMDA chief na sa araw lamang ng Biyernes kung saan nagkaka­buhol-buhol ng husto ang trapiko sa EDSA itatalaga ang mga naka-pulang unipormeng miyembro ng Rescue Team lalu na kapag rush hour.

Nais ni Tolentino na ma­ging pamilyar din sa pagsasa-ayos ng daloy ng trapiko ang mga tauhan ng Rescue Team na malaki ang maitutulong lalu na ngayong malapit ng magbukas ang klase.

Show comments