12-anyos patay sa Binondo fire

MANILA, Philippines - Patay ang isang 12-anyos na batang lalaki, habang nilalapatan pa ng lunas ang naka­tatandang kapatid nito nang ma-suffocate sa loob ng kanilang unit na nasusunog sa condomi­nium sa Binondo, Maynila, kahapon ng tanghali.

Hindi na nailigtas ang buhay nang isugod sa Metropolitan Medical Center ang biktimang si Kevin Uy Ng, residente ng Unit 501 Peace Building, San Nicolas St., Binondo, bunga ng suffocation.

Tagumpay namang nai-revive ang wala ring malay na si Shannan Nicole Uy, 13-anyos, nang dalhin sa Justice Abad Santos Mother and Child Hospital. Ililipat umano ito sa Chinese General Hospital para sa tuluyang paggaling.

Sa naging pahayag ng isa sa rumespon­deng residente ng lugar, na kinilalang si Mark Angelo Ong, may na­rinig silang humihingi ng tulong at nang puntahan ang unit ng mga biktima ay naka-padlock ito kaya sinipa nila upang puwer­sahang buksan, kung saan sumalubong ang napakakapal na usok.

Nakatalukbong ng  kumot ang magkapatid at walang malay nang kanilang dalhin sa pa­gamutan.

Ayon kay Chief Ins­pector Bonifacio Carta, hepe ng investigation division ng  Manila Fire District,  nasa kalaha­ting milyong piso ang inabot ng nasunog na con­dominium.

Nabatid na ang mga magulang ng magka­patid ay iniwan sila upang mag-asikaso ng kanilang tindahan sa erya din ng Binondo.

Umabot sa ika-3 alarma ang sunog at na­apula makalipas ang mahigit isang oras, na nagsimula alas-11:54 at naideklarang fire-out alas-12:39.

 

Show comments