MANILA, Philippines - Hinagisan ng granada ng hindi pa nakikilalang suspect ang bahay ng isang kumakandidato sa pagka-alkalde sa Mindanao, kahapon ng madaling-araw sa San Andres Bukid sa Maynila.
Nabatid sa ulat, naganap ang paghagis ng granada sa bahay ng negosyanteng si Baswali Alawiya, 40 at kandidato sa pagka-alkalde sa Malundo, Lanao del Sur bandang alas- 4:00 kahapon ng madaling-araw.
Sa inisyal na imbestigasyon, isa umanong lalaki ang lumapit sa bahay ni Alawiya na matatagpuan sa Alabastro St., San Andres Bukid sabay hagis ng granada.
Wala namang naiulat na nasugatan sa pagsabog, bagamat nawasak ang bahagi ng garahe ng bahay, ayon sa caretaker ng bahay na si Asraf Mugni.
Ayon kay Mugni kasalukuyang nasa Lanao si Alawiya para mangampanya sa kanyang kandidatura. Kasalukuyan na ring iniimbestigahan ang naturang insidente.