Pintor utas sa tandem

MANILA, Philippines - Patay agad ang isang pintor makaraang tamaan ng ligaw na bala habang sakay ng kanyang motorsiklo sa ginawang pamamaril ng riding-in-tandem   sa isang barker ng jeepney sa lungsod Quezon, kahapon ng umaga.

Ayon kay SPO4 Eric Lazo,  ang biktima ay kini­lalang si Danilo Delantar, ng Phase 3, Area A, Lupang Pangako, Payatas, sa lungsod.

Mabilis namang tumakas ang mga salarin kung saan natukoy umano ang isa sa alyas na Negro, makaraan ang krimen.

Nangyari ang insidente sa   harap ng Vergie Store na matatagpuan sa Payatas Road, corner Lower Empire, Brgy. Payatas, ganap na alas-6:30 ng umaga.

Ayon sa pahayag ng ilang testigo, isang alyas Chap-Chap  ang siya umanong target ng suspect na tandem, gayunman hindi ito tinamaan ng pinaka­walang bala ng mga salarin kundi ang biktimang si Delanter na noon ay lulan din ng isang motorsiklo.

Mabilis na tumakas ang mga suspect sakay ng walang plakang motorsiklo.

Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.

Show comments