MANILA, Philippines - May 100 kabahayan na kinabibilangan ng 200 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos ang sunog na naganap sa kanilang lugar dulot umano ng sumiklab na kuryente sa lungsod Quezon, kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay SFO2 Fortunato Alde ng Quezon City Fire Station, nagsimula ang sunog sa bahay umano ng isang Abdul Estrera, na matatagpuan sa 9 Chapel Area, Sitio Militar, Brgy. Bahay Toro, ganap na alas-9:25 ng umaga.
Diumano, bigla na lamang may nag-spark sa bahay ni Estrera, hanggang sa tuluyang sumiklab at kumalat ang apoy sa iba pang kabahayan, dahil na rin sa gawa lamang ang mga ito sa light materials.
Dagdag ni Alde, umabot sa Task Force Bravo ang nasabing sunog, kung saan dalawa sa mga residente na sina Kenneth Ross, 23, at Jeremy Balta, 30, ang nasugatan matapos na magtamo ng sugat sa hita at kamay.
Ganap na alas-11:15 ng umaga nang tuluyang idekÂlarang fire out ang nasabing sunog.
Tinatayang aabot sa P2 milyong halaga ng ari-arian ang napinsala sa nasabing insidente.