Masamang tumingin, inutas

MANILA, Philippines - Dahil sa masamang tingin,  isang 27-anyos na lalaki ang pinatay sa Tondo, Maynila kahapon.

Patay na nang idating  sa Gat Andres Bonifacio Hospital ang biktimang si Ramil Quinio,  residente ng  Kagitingan St, Tondo, Maynila sanhi ng tinamong saksak sa katawan,  habang tinutugis naman si Rolando Palilio, vendor at residente ng Paghanapin St. Tondo, Maynila.

Ayon sa isinagawang imbestigasyon ni SPO1 Richard Escarlan ng MPD Homicide Section, dakong alas-2:30 ng hapon ng maganap ang insidente sa 1004 Kagitingan St. Tondo.

Sinasabing bago ang insidente ay nagkaroon ng pagtatalo ang biktima at ang kanyang tiyahin na si Imelda­ sa hindi na nabatid na dahilan.

Umalis ng bahay ang  biktima at habang naglalakad, nagawa nitong tingnan ang suspect na minasama ng huli at  binuweltahan  ang una  ng pahayag na “bakit ang sama mong tumingin” .

Kasunod nito, biglang naglabas ng patalim ang suspect at walang sabi-sabing­ si­naksak sa katawan ang biktima saka mabilis na tumakas.

 Gayunman, patuloy na nagsagawa ng imbestigas­yon ang pulisya hinggil sa nasabing insidente.

Show comments