1 pang miyembro ng ‘Boratong drug group’, timbog

MANILA, Philippines - Makalipas ang limang taon matapos ang isinagawang pagsalakay sa ‘shabu tiangge’, nadakip na rin ng Eastern Police District (EPD) ang isa pang miyembro ng “Boratong Drug Syndicate” na nagpapatuloy pa rin ng iligal na operasyon sa naturang lungsod at ibang panig ng Metro Manila.

Kinilala ni EPD director Chief Supt. Miguel Laurel ang ina­resto na si Alvin Quijano, 41, ng M.H Del Pilar St., Brgy. Palatiw, ng naturang lungsod.

Narekober sa posesyon ni Quijano ang dalawang M-16 Baby Armalites, isang Colt MK14 Cal. 45, mga bala sa naturang mga baril, isang airsoft rifle, tatlong pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia.

Sa ulat, dakong alas-7 ng gabi kamakalawa nang magsagawa ng operasyon ang puwersa ng EPD at ihain ang warrant of arrest na inilabas ni Judge Ma. Theresa Dolores ng Manila Regional Trial Court sa kasong illegal possession of firearms at ammunitions.

Hindi na nakapalag si Quijano nang mapaligiran ng mga pulis­ ang kanyang pinagkukutaan.  Si Quijano umano ay isa sa personalidad sa Pasig City na patuloy sa pagbebenta ng iligal na droga na matagal nang isinasailalim sa paniniktik ng pulisya.

Ayon kay Laurel, isa si Quijano sa kolektor ni Amir Imam Boratong, ang naarestong operator ng shabu tiangge sa Mapayapa Compound, Brgy. Sto. Tomas, Pasig. Nitong Marso 10, unang naaresto ang tatlo pang tauhan ni Boratong.

 

Show comments