Lady trader utas sa tandem

MANILA, Philippines - Patay ang isang 40-anyos na ginang makaraang pagbabarilin ng riding in tandem  habang ang una at kapatid nitong babae ay nagluluto ng pagkain para sa kanilang canteen sa lungsod Quezon kahapon ng mada­ling araw.

Si Marissa Montives, 40, canteen owner, ay agad na nasawi sanhi  ng mga tama ng bala sa harap ng kanyang canteen sa MRB Buil­ding 3, Pilot Area sa Brgy.Commonwealth.

Ayon sa kapatid nitong si Victoria, dalawang lalaki na sakay ng itim na Honda XRM motorcycle ang nasa likod ng pamamaril sa biktima.

Nangyari ang insi­dente ganap na alas- 5:45 ng umaga habang naghahanda na ang biktima at kapatid nito para sa pagbubukas ng kanilang kainan nang sumulpot ang mga suspect sakay ng motorsiklo at pumarada sa harap ng kanilang tindahan.

Isa sa mga suspect ang bumaba ng motorsiklo at naglakad papunta sa canteen saka pinagbabaril ang biktima gamit ang kalibre .45 baril.

Dead-on-the-spot ang biktima matapos na magtamo ng tama ng bala sa dibdib at ulo.

Habang ang mga suspect naman ay mabilis na tumakas sakay ng kanilang motorsiklo.

Show comments