MANILA, Philippines - Napaslang ang 22-anÂyos na crew ng kilalang fast food chain matapos na barilin ng tatlong kalalakihan na nakaalitan sa kahabaan ng Taft AveÂnue, Ermita, Maynila kahapon ng madaling-araw.
Hindi na naisalba ng mga doktor sa Philippine GeÂneral Hospital ang buhay ni Elbert Budlat, crew ng Jollibee, tubong Davao City at nakatira sa #1261 Leon Guinto Street, Malate, Manila.
Nasakote naman ang isa sa mga suspek na si Jason Ignacio, 28, ng #1261 Sagay Street habang tugis naman ng pulisya ang dalawang suspek na sina Rolando Elizalde at Raymond Yap.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Rommel Del Rosario ng Homicide Section ng Manila Police District, Bago maganap ang pamamaÂril, magdedeliber sana ng pagkain na order ng kanilang kostumer ang biktima sakay ng service motorcycle.
Gayon pa man, nakasalubong ng biktima ang motorsiklo ng tatlo na nag- counter flow kaya sumiklab ang awayan.
Upang makaiwas sa gulo, bumalik na lang ang biktima sa pinapasukang sangay ng Jollibee sa Pedro Gil Street, Malate ngunit sinundan siya ng mga suspek sa loob mismo ng nasabing fast food chain.
Dito na nagkaroon ng kumprontasyon sa pagitan ng biktima at mga suspek kung saan tinangkang awatin ng store manager. Tinangka ring umawat ng guwardiya na si Efren Bales subalit inagaw ni Ignacio ang service firearm na cal. 38 revolver nito saka itinutok sa biktima.
Sa puntong ito, inagaw naman ni Yap kay Ignacio ang baril saka ipinutok sa mukha ng biktima.
Kaagad na tumakas sina Elizalde at Yap lulan ng motorsiklong may plakang 1807-XZ habang naaresto naman si Ignacio.