Matansero itinumba

MANILA, Philippines - Makaraang  dumalaw sa burol ng kanyang pamangkin ang isang matansero, siya na ngayon ang pinaglalamayan nang pagbabarilin  ng isa sa tatlong kalalakihan na sakay ng dalawang motorsiklo habang siya ay nagpapahinga sa tapat ng kanyang bahay sa Brgy. Commonwealth, Quezon City kamakalawa ng hapon.

Namatay noon din sa pinangyarihan ng krimen ang biktima na kinilalang si Julius Francis Cabales, 38, ng Kasunduan St., Brgy. Commonwealth, Quezon City  bunga ng tinamong ma­raming tama ng bala sa ulo at katawan mula sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril. Batay sa ulat ni SPO1 Restituto Zaldariaga ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, nangyari ang pamamaril pasado alas-3:30 kamakalawa ng hapon sa harap ng bahay ng biktima.

 Ayon sa testigong si Elena Cabales, hipag  ng nasawi, huli niyang nakita ang biktima na kumakain bago lumabas ng kanilang bahay at umistambay sa lugar. Ilang saglit lamang ay dalawang motorsiklo umano ang nakita niyang pumarada sa harapan ng biktima bago isa sa mga nakaangkas ang bumunot ng baril at pinaputukan ang biktima. Mabilis na tumakas ang mga salarin sakay ng 2 motorsiklo na hindi naplakahan patungo sa direksiyon ng Commonwealth.

Ayon pa sa ilang taga-roon, kagagaling lamang umano ng biktima sa burol ng kanyang pamangkin hindi kalayuan sa kanilang bahay nang maganap ang insidente.

 

Show comments