Binata niratrat, utas

MANILA, Philippines - Patay ang isang binata makaraang sorpresang  pagbabarilin ng isa sa dalawang suspect habang ang una ay may kausap sa kanyang cellphone sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.

Si Art John Paul Arongat, 22, ay agad na nasawi sa lugar dahil sa tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.

Ang mga suspect na sakay ng isang kulay green na  SUV  na walang plaka ay agad namang tumakas makaraan ang pamamaril. Nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Sto. Domingo Avenue, corner Atok St., Brgy. Sto. Domingo, ganap na alas- 12:05 ng madaling-araw.

Bago ito, ang biktima kasama ang kanyang pinsang si John Ray Arongat ay nasa lugar at naghihintay sa katatagpuing girlfriend ng huli.

Lumilitaw na habang nakikipag-usap sa kanyang cellular phone ang biktima ay dumating ang SUV na walang plaka sa lugar kung saan bumaba ang isa sa mga sakay na lalaki at walang kaabug-abog na pinagbabaril ang biktima. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente.

 

Show comments