MANILA, Philippines - Isang empleyado ng National Statistics Office (NSO) ang nasawi makaraang atakehin ng panginginig habang nasa loob ng isang hotel kasama ang kanyang boyfriend sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Ayon kay PO2 Jorge Caculba ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, ang biktima na itinago sa pangalang Susan ay nag-check-in sa 375 Guest Hotel na matatagpuan sa may Aurora Blvd., Cubao, ganap na alas-12:30 ng hatinggabi kasama ang kanyang boyfriend na si Rolando Pascual, 36.
Sinabi ni Pascual na 30 minuto na silang naka-check-in sa hotel at nanonood sila ng telebisyon nang tumayo ang biktima at nagpunta sa comfort room saka nag-shower.
Makaraan ang 30 minuto ay lumabas ang biktima sa CR at nakabalot lamang ng towel saka humiga sa kama.
Dito na umano nakita ni Pascual na nanginginig ang girlfriend, saka nagpasya na siyang tumawag ng taxi at inihatid ang huli sa East Avenue Medical Center para magamot.
Pero makalipas ang alas-5:56 ng hapon ay idineklara rin itong patay ni Dr. Longuito, ang attending physician.
Inaalam pa ang ugat ng pagkamatay ng nasabing biktima.