Trike driver tigok sa baseball bat

MANILA, Philippines - Isang 59-anyos na tricycle driver  ang na­matay nang hatawin sa ulo ng baseball bat ng magkapatid na kanyang nakaalitan kahapon ng umaga sa  Paco, Maynila­.

Hindi na umabot ng buhay sa Santa Ana Hospital ang biktimang si Alfredo Manalo,  ng no. 1647 Int. 13 Pedro Gil St., Paco,  Maynila sanhi ng tama ng baseball bat sa ulo.

Arestado naman ang magkapatid na suspect  na sina Zaldy Guevarra, 42, karpintero at kapatid nitong si Michael, 36, tricycle driver na kapwa­ residente ng no. 1538 Antonio Isip St., Paco, Maynila.

Sa ulat ni SPO2 Glenzor Vallejo ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas 11:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa Antonio Isip St., Paco.

Nabatid na pauwi na ang biktima mula sa isang prusisyon nang madaanan ang nakahambalang sa kalye na si Zaldy na noo’y lasing na lasing.

Dito ay pilit na pinaalis at pinatatayo ng  biktima  si Zaldy na nauwi sa mainitang pagtatalo at pagsusuntukan.

Nang malaman ng kapatid na si Michael ay nagbitbit ito ng baseball bat upang saklolohan si Zaldy. Agad umanong hinataw nito  ang biktima na biglang nalugmok at nawalan ng malay.

Mabilis naman na rumesponde ang mga barangay tanod kaya nadakip ang mag­ka­patid na suspect.

 

Show comments