MANILA, Philippines - Naging positibo ang paalala ng pulisya sa publiko lalo na ang mga mag-iiwan sa kanilang tahanan para magbakasyon, laban sa mga kilabot na Akyat Bahay gang na posibleng manamantala ngayong Semana Santa.
Ito ay makaraang dalawang hinihinalang miyembro ng gang ang nasawi makaraang makipag-engkwentro sa mga awtoridad ilang minuto matapos na tangkaing pasukin ang isang bahay sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay Chief Insp. Rodel Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, dead-on-the-spot sa lugar ang mga suspect na kapwa walang pagkakakilanlan, maliban sa mga kasuotan at edad nilang nasa pagitan ng 25-30. Isa sa mga suspect ay may tattoo na “Boyet A†sa kanyang likuran, habang ang isa naman ay may tattoo na “BNG†sa kanang bahagi ng likuran.
Narekober sa mga suspect ang dalawang kalibre 38 baril at isang bolt cutter na ginamit nilang pambukas sa padlock ng pintuan ng biktima.
Base sa ulat, nangyari ang insidente sa panulukan ng Balite St., Brgy. Mariana, ganap na ala-1:45 ng madaling-araw.
Bago ito, tinangka umanong pasukin ng mga suspect ang bahay ng mag-asawang Jose at Carmina Damian na residente sa naturang lugar kung saan pinutol umano ng mga suspect gamit ang bolt cutter ang padlock sa gate ng kanilang garahe.
Nang makapasok ay saka binaril ang salamin ng bintana ng bahay sa pag-aakalang wala nang tao sa loob, pero narinig ito ng mag-asawa, dahilan para mabulabog ang mga suspect at magsipagtakbuhan papatakas.
Tiyempo namang nagpapatrulya ang tropa ni Supt. Norberto Babagay ng Police Station 11, habang ang mga sakay ng isang mobile patrol car at narinig ng mga ito ng putok ng baril.
Agad na nagmaniobra ang mobile car at pinuntahan ang lugar na pinanggalingan ng putok kung saan pagsapit sa 10 St., naispatan nila ang isang tricycle na sakay ang mga suspect at nagmamaÂdaling umalis sa lugar.
Nagpasyang habulin ng awtoridad ang tricycle, hanggang sa dalawa sa mga sakay ng huli ay tumalon sa kalye at pinaputukan ang mga una. Sa puntong ito, gumanti ng putok ang mga awtoridad hanggang sa magresulta sa pagkasawi ng dalawang suspect, at makatakas ang isa pang kasamahan ng mga ito.
Nabatid pa ng awtoridad na pangalawang beses nang pinapasok ng magnanakaw ang bahay ng pamilya Damian, bagay na inaalam ng mga una kung ang mga nasawi din ang unang nanloob dito.