MANILA, Philippines - Patay ang isang lalaki na nang-hostage makaraang pagbabarilin ng mga pulis habang sugatan naman ang dalawa nitong biktima na nagtamo ng mga saksak sa katawan, kamakalawa ng hapon sa Pasay City.
Inisyal na kinilala ni Pasay City Police chief, Sr. Supt. Rodolfo Llorca ang nasawing suspek na si Manolo Gonzales, na nagtamo ng anim na tama ng bala sa katawan.
Ginagamot naman sa Manila Adventist Medical Center ang kanyang mga biktima na sina Joan Olmoguis Limit, 33, residente ng Brgy. 23 Zone 2, Pasay at barangay tanod na si Joselito Angeles.
Sa ulat ng Pasay Police, nabatid na nagpapatrulya ang mga pulis na sina PO2 Leo Chavez at PO2 Pellevello Geremy nang mapansin ang patalim na bitbit ng suspek kaya ito sinita dakong alas-4:30 ng hapon sa kanto ng Buendia Avenue at FB Harrison Sts.
Nagkaroon ng habulan kung saan tinangkang humarang ng biktimang si Angeles na sinaksak ng suspek sa braso. Puwersahang pinasok ng suspect ang bahay ni Olmoguis at hinostage ang biktima.
Rumesponde naman ang mga tauhan ng Special Weapons and Tactics (SWAT) Unit at Special Operations Unit ng Pasay Police at nakipagnegosasyon para sa payapang pagsuko ni Gonzales ngunit nagmatigas ito.
Napilitan ang mga pulis na pasukin ang bahay nang magsisigaw ng saklolo ang babae. Dito nila inabutan na hubo’t hubad ang biktima at nakapatong ang suspek na tinatangkang gahasain ng suspek. Nagdesisyon na ang mga pulis na paputukan ang suspek dahil sa nasa agarang panganib na ang buhay ng babae.
Patuloy ngayon ang follow-up investigation ng pulisya sa insidente para sa mga karagdagang impormasyon sa suspek.