Suspect sa pagpaslang sa UE employee, arestado

MANILA, Philippines - Isang araw matapos na matagpuan ang bangkay ng University of the East-Manila guidance counselor na si Rowena Calo, agad namang naaresto ng mga tauhan ng  Manila Police District kahapon  ng umaga ang suspect habang hinihintay ang kanyang live-in partner sa Lagro, Quezon City.

Kinilala ang suspect na si Pee Jay Romero, 29, miyembro  ng Genuine Ilocano  matapos na madakip ng MPD-Station 4 sa gilid ng isang  drug store  dakong alas-6:15 ng umaga.

Ayon sa suspect hindi niya intensiyon na patayin at pagna­kawan si Calo, 42, ng Negros St., Sampaloc, Maynila kaya lamang ay nairita siya nang bungangaan siya  ng biktima.

“Nagkabanggaan kami paglabas ko sa pinto, ilalabas ko yong mga bote na pinag-inuman namin nagalit na agad nagdadakdak, sinampal ko iyong bunganga tapos sinakal ko at saka ipinasok ko sa loob ng kuwarto niya,” anang suspect.

Gayunman, itinanggi nito na ginahasa niya ang biktima ngunit inamin nito na kanyang binigti ng sinturon para makatiyak na patay na ito. “Lagi na lang siyang nagagalit sa amin ng girl­friend ko, maingay daw kami sa kuwarto namin,” dagdag pa ng suspect.

Nagsisisi naman aniya siya ngunit wala nang magagawa dahil nangyari na at nagawa na niya ang krimen. Narekober rin ng pulisya ang dalawang cellphone at piggy bank ng biktima na naglalaman ng P15,000.

“Kung alam ko lang na P15,000 ang laman niyan di ko na sana pinakuha yong girlfriend ko ng pera sa magulang ko hindi na sana ako nahuli pa, dalawang cellphone lang ang nakuha ko, pandagdag lang sana panggastos dahil magtatago na nga ako,” ayon pa sa  suspect.

Nauna nang natagpuang walang buhay dakong alas 4:30 ng hapon noong Lunes sa loob ng kanyang kuwarto  na  walang damit.

Show comments