Bagitong parak, inutas

MANILA, Philippines - Isang bagitong pulis ang hindi na nakapag-duty nang  malapitang barilin sa ulo at nasawi habang  nagpapa-load ng cellphone sa isang tindahan sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.

Binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Mary Johnston Hospital ang biktimang si PO1 Jessie Boy Lorenzo, 23, binata, na  nakatalaga sa Regional Public Safety Battalion (RPSB) sa Bicutan, Taguig City.

Mabilis namang nagsitakas ang apat na suspect matapos ang nasabing krimen.

Sa ulat  ni SPO2 An­thony Boncan ng Manila Police Dis­trict-Homicide Section, dakong alas-12:10 ng ma­daling araw nang maganap ang insi­dente sa Laurel St., malapit sa Chesa­ St., Tondo.

Papasok na ang biktima sa destino nito sa LRT Station nang dumaan sa isang tindahan para magpa-load, nang biglang lapitan ng isa sa apat na lalaki at barilin nang malapitan sa ulo.

Nang bumulagta, kinuha pa ng isa sa mga suspect ang baril ng biktima sa kaniyang holster bago nagsitakas.

Hindi pa tukoy ang motibo sa krimen, bagamat may posibilidad na mga holdaper na nais agawan ng baril ang pulis. Tinitignan din ang anggulong atraso kaya ito niresbakan.

Show comments