MANILA, Philippines - Tatlong araw bago ang graduation, isang 4th year high school student ang nasawi, matapos na umano’y mag-collapse habang nagpa-practice ng graduation rites sa loob ng kanilang paaralan sa kasagsagan ng init sa lungsod Quezon kahapon.
Ayon sa impormasyong ibinigay ng isang kaklase ng biktima, nakilala ang nasawi na si Rodesto Michael Lacerna, 15, 4th year high school student sa Philippine Science High School na matatagpuan sa Brgy. Pagasa.
Si Lacerna ay idineklarang dead on arrival sa Philippine Children’s Medical Center matapos ang nasabing pagkakabuwal nito. Sa inisyal na ulat, nangyari ang insidente ganap na alas- 9 ng umaga sa loob mismo ng nasabing paaralan, partikular sa school gymnasium.
Diumano, nasa kainitan ng pagsasanay ang mga 4th year student para sa gagawing commencement exercise nang biglang bumuwal ang biktima.
Sa pagbuwal nito ay agad na nawalan ng ulirat ang biktima, saka mabilis na isinugod sa school clinic, para magamot.
Ayon kay Supt. Pedro Sanchez ng Masambong Police Station, matapos nito ay isinugod ang biktima sa naturang ospital, subalit sa kasamaang palad ay idineklarang dead on arrival.
Sa kasalukuyan, nagsasagawa pa ng awtopsiya ang mga doktor ng ospital upang mabatid ang tunay na dahilan ng pagkamatay ng biktima.