Foreman ginapang, tinarakan habang natutulog

MANILA, Philippines - Patay ang isang foreman makaraang gapangin at pagsasaksakin habang natutulog ng dati nitong tauhan sa loob ng barracks sa construction site sa Muntinlupa City, kamakalawa ng gabi.

Naisugod pa ngunit nalagutan din ng hininga sa Cauilan Beslo Hospital sa Brgy. Tunasan ang biktimang si Marvin de Castro, 33, foreman ng Laurel Construction and Design sanhi ng tinamong mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Pinaghahanap naman ngayon ang tumakas na suspek na nakilalang si Mario Loro, 18, dating construction worker ng Laurel Construction and Design at residente ng Malaking Itlog, Banay-Banay, San Jose, Batangas.

Sa ulat ng Muntinlupa Police-Criminal Investigation Unit, dakong alas-10 ng gabi nang gapangin ng suspek ang natutulog na biktima sa barracks sa field office ng kompanya sa Victoria Homes, Brgy. Tunasan. 

Kasama pang natutulog ng biktima ang dalawa pang obrero na sina John Louie Torres 19, at Kevin Domingo, 21, nang pasukin ng suspek. Pinatay pa umano ng suspek ang ilaw sa loob ng barracks bago inundayan ng sunud-sunod na saksak ang natutulog na biktima.

Kaagad na tumakas ang suspect nang maramdamang nagising na ang dalawang kasamahan ng biktima. May hinala ang pulisya na posibleng paghihiganti at may kinalaman sa trabaho ang pamamaslang dahil dating tauhan ng biktima ang suspek sa naturang construction firm bago ito nasibak sa trabaho.

Show comments