MANILA, Philippines - Isang opisyal ng Bureau of Customs ( BOC ) ang inaresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation ( NBI ) sa isang entrapment operation, matapos mangotong sa paglalabas ng kargamento sa Manila International Container Terminal (MICT), kahapon ng hapon.
Kinumpirma ni NBI Deputy Director Reynaldo Esmeralda ang pagkakaaresto sa suspect na si Rene Palgan, district director ng BOC na naka-assign sa MICT.
Nangyari ang entrapment operation sa tanggapan nito sa MICT dakong alas- 4:00 ng hapon.
Diumano ay tumanggap si Palgan ng P50,000 para sa pagre-release ng kargamentong linoleum. Ang operasyon ng NBI na pinangunahan ng Anti-Organized Crime Division ay batay na rin sa sumbong ng broker na si Rose Anne De Luna.
Nasa kustodiya na si Palgan ng NBI, habang inihahanda ang pagsasalang sa inquest proceedings ng reklamong direct bribery at paglabag sa anti-graft laws.