Teenage mom nagbaril sa sarili

MANILA, Philippines - Dahil umano sa hindi makayanang problema kaya nagawang waka­san ng isang 17-anyos na dalagang ina ang kanyang buhay sa pamamagitan nang pagbaril sa sarili, kama­kalawa ng gabi sa Sta Cruz, Manila.

Nabatid na nagbaril sa ulo na tumagos sa kaliwang bahagi ng sentido gamit ang isang kalibre .9mm pistola si Jennelyn Bautista, residente ng Sta. Cruz, Maynila.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas- 6:30 ng gabi ng maganap ang insidente sa bahay ng biktima.

Nabatid na habang nag­hahapunan ang pamilya ay biglang pumanhik ng kanyang silid si Jennelyn  at maya-maya ay narinig ang malakas na putok na inakalang nabasag na salamin ng bintana kaya napa­sugod sa itaas ng bahay ang kaanak nito.

Nakakandado ang pintuan ng silid ng biktima kaya sinilip ito ng kaniyang kuya na si John Christian mula sa bintana at doon nakita ang nakahandusay na katawan ng kapatid sa kama, duguan at may ka­tabing baril.

Agad nilang  winasak ang partisyon ng silid ng biktima at isinugod ito sa kalapit na Metropolitan Memorial Medical Center subalit idineklarang patay.

Nabatid na bukod sa problema sa loob ng pamilya, may problema pa ang biktima sa kung paano bubuhayin ang isang-taong gulang na anak na babae. Naanakan umano ang nasawi ng kanyang dating boyfriend.

Hindi naman makumpirma kung saan nakuha ng biktima ang bari.

Dinala ang bangkay ng biktima sa Century Funeral Homes para sa awtopsiya.

Show comments