Taxi nagliyab sa kalye

MANILA, Philippines - Nagulantang ang mga pasahero ng Metro Rail Transit sa Kamuning station makaraang bigla na lamang maglagablab ang isang taxi habang bumi­biyahe sa tapat nito sa lungsod Quezon, kahapon ng tanghali.

Ayon sa kagawaran ng Bureau of Fire Pro­tection (BFP), sa kabila nito, masuwerte namang nakaligtas sa kapa­hamakan ang driver ng taxi na si Edward Madarang, 39, matapos na makalabas agad sa nagla­lagablab nitong sasakyan.

Pasado alas-11 ng tanghali nang umano’y maglagablab ang nasabing taxi na may tatak na Freedom (TWN-644) habang binabagtas ang southbound lane ng EDSA harap ng GMA Kamuning Station.

Sinasabing bigla na lamang umanong umusok ang unahang bahagi at dahil LPG ang ginagamit nitong gasolina ay ma­bilis na kumalat ang apoy hanggang sa tuluyang lamunin ito.

Faulty wiring ang tini­­tingnang ugat ng na­sabing pagsiklab na madalas umanong nangyayari kapag mali ang ko­neksyong ginawa sa loob ng makina nito.

Show comments