Sinitang umiihi namaril: 1 patay, 1 sugatan

MANILA, Philippines - Nasawi ang isang pintor, habang sugatan naman ang kanyang kapitbahay makaraang magwala ang isang lasing na mister na sinita habang umiihi sa nakaparadang sasakyan ng biktima sa Pasig City, kamakalawa ng gabi.

Dead-on-arrival sa Pasig City General Hospital sanhi ng tinamong tama ng bala  ng baril sa dibdib na tumagos sa kaliwang kili-kili ng biktimang nakilalang si Ricky Medina, 47, ng Phupa Compound, Urbano Velasco St., Brgy. Pinagbuhatan sa lungsod.

Sugatan namang gina­gamot ngayon sa nasabi ring pagamutan ang kapitbahay nitong si Enrico Paras, 53, na tinamaan ng ligaw na bala mula sa walang habas na pag­papaputok ng lasing na suspek na si Ariel Nebriaga ng nasabi ring Compound.

Naganap ang krimen dakong alas-6:55 ng gabi ma­karaang sitahin ng nasawi ang suspek dahil umiihi ito sa gulong ng kanyang sasakyan.

Sinasabing minasama ng suspek ang pagsita sa kanya ng biktima kaya umuwi ito sa kanilang tahanan at nang bumalik  ay may dala nang baril at walang habas na pinaputukan ang biktima kung saan ay tinamaan naman ng ligaw na bala si Paras.

 

Show comments