MANILA, Philippines - Nakaiwas man sa bala buhat sa mga baril na ayaw pumutok, ospital pa rin ang binagsakan ng isang 24- anyos na lalaki na nagtangka umanong tumangay sa dalawang paslit sa Parañaque City, kahapon ng umaga.
Nakatakdang kunan ng pahayag ng mga pulis ang suspek na si Enrico Sedenio, residente ng Brgy. Merville, makaraang dalhin sa Parañaque District Hospital nang mawalan ng malay matapos na tamaan ng malaking tipak ng bato sa ulo.
Ayon sa ulat, una nang nakita ng mga resiÂdente ang suspect na nagÂtatakbo sa hindi pa malamang dahilan at biglang hinablot ang batang si Donna Elizabeth Toredes,11- anyos na noon ay naglalaro sa may South Admiral Village dakong alas-10 ng umaga.
Nakita ng mga lalaki sa lugar ang paghablot sa bata kaya’t hinabol at pinagbabato nila ang suspect na naging dahilan upang mabitiwan nito ang paslit.
Sumunod na hinablot at kinaladkad ng suspek ang 8-anyos na si AngeÂlica Torres, subalit nanlaban ang ina nitong si Arlene. Habang nakikipag-agawan sa ina ng bata, sinugod ng driver na si Jonas Ravino ang suspek ngunit kinagat siya nito.
Tinangka namang paputukan ng security guard na si Rodrigo Olandia ang suspek ngunit ayaw umanong pumutok ang kanyang handgun at maÂging ang kanyang shotgun kahit na nasa maayos na kundisyon ang mga ito.
Natigil lamang ang pagwawala ng suspect nang tamaan siya ng malaking tipak na bato sa ulo buhat sa mga humahabol na lalaki na ikinawala nito ng ulirat.
Nakita sa nakasuot na sinturon ng suspect ang mga kulay pulang bato na hinihinalang agimat umano nito laban sa bala.
Patuloy namang inaÂalam ng mga awtoridad kung taga-saan ang naÂturang suspect at ang motibo sa pagtangay sa mga bata.