MANILA, Philippines - Nasa ligtas nang kalagayan at nakakausap na habang nakaratay sa Medical Center Manila (MCM) ang supporter at dating coordinator ng Liberal Party sa kabila ng dalawang balang tinamo sa dibdib nang barilin ito ng isang hindi pa kilalang lalaki, pagkatapos lamang ng idinaos na proclamation rally ng Team PNoy sa Plaza Miranda, sa Quiapo, Maynila, kamaÂkalawa ng gabi.
Ito ang kinumpirma ni P/Supt. Ricardo Layug, hepe ng Manila Police District (MPD) Station 3, kahapon ng umaga, hinggil sa kondisyon ng biktimang si Yasen Ibrahim, 49, negosyante at dating administrator ng Golden Mosque sa Islamic Center, Quiapo.
Dalawang anggulo umano ang sinisilip nila sa insidente at mismong si Ibrahim ang nagsabi na walang motibong pulitikal sa pamamaril sa kanya dahil hindi naman siya tumatakbong kandidato.
Posibleng may kaugnayan umano sa money lending business ni Ibrahim, bukod pa sa pagiging administrator ng mosque.
Nabatid na naganap ang pamamaril dakong alas-7:30 ng gabi malapit sa Barbosa-PCP sa R. Hidalgo St., Quiapo, Maynila.
Tapos na umano ang rally at wala na sa Plaza Miranda si Pangulong Noynoy na nasa bahagi ng south-bound lane, habang malayo ito sa Plaza Miranda dahil sa kabila o northbound lane nang maganap ang pamamaril.