MANILA, Philippines - Patay ang isang driver matapos na saksakin ng isang lalaki na kanyang sinita dahil sa pagtitig sa kanyang misis kamakalawa ng gabi sa Sta. Cruz, Maynila.
Dead-on-arrival sa Tondo Medical Center si Alberto PaÂngilinan, 34, ng Ampatuan Compound, Oroquieta St., Sta. Cruz dahil sa mga tinamong saksak sa itaas na bahagi ng katawan.
Ayon kay SPO2 Ronald Gallo ng MPD Homicide, alas-9 ng gabi nang pasukin ng suspect sa mismong kuwarto ang biktima. Bago ang insidente, sinita umano ng biktima ang suspect dahil laging nahuhuling nakatitig sa kanyang misis kapag nasa labas ng kanilang bahay.
Dahil dito ay nagtalo ang dalawa hanggang sa umalis na lamang ang suspect habang pumasok sa loob ng kanilang bahay ang biktima.
Nagulat na lamang umano ang biktima at kanyang anak nang makita na nasa loob ng kanilang bahay ang suspect at armado ng patalim at saka inundayan ng saksak ang una. Nabatid na nasa labas ng bahay ang asawa ng biktima nang mangyari ang insidente.
Hindi naman nadakip ang suspect na si Enrique Ronquillo na mabilis na tumakas matapos ang insidente.
Isang manhunt operation naman ang isinasagawa ng pulisya laban sa suspect.