Bagong laya, utas sa boga

MANILA, Philippines - Isang ex-convict  na kalalaya pa lamang buhat sa New Bilibid Prison (NBP)  ang nasawi matapos itong barilin nang malapitan ng hindi pa nakikilalang suspect kama­kalawa ng gabi sa Malabon City.

Dead-on-arrival sa Tondo Medical Center ang biktimang si Angelo Figueroa,  alyas Wafu, 34,  residente ng Block 17, Phase 2 Area 2 Dagat-Dagatan, Brgy.  Longos ng naturang  lungsod sanhi ng tinamong tama ng bala ng baril sa batok  buhat sa  kalibre .45 baril.

Lumalabas sa imbestigasyon ng Malabon City Police, naganap ang insidente dakong alas-9:00 ng gabi  sa loob ng isang computer shop sa Dagat-Dagatan, Brgy. Longos ng lungsod na ito.

Nabatid na abala ang biktima sa paglalaro ng computer nang lapitan ito  ng suspect na nakasuot ng helmet sabay sabing “Wafu pasensiya sinaktan mo anak ko,” kasunod ang pagpapaputok dito ng baril.

Matapos ang pamamaril ay mabilis namang tumakas ang suspect lulan ng isang motorsiklo.

Ayon sa kapatid na babae ng biktima na si Mary Figue­roa, sangkot umano sa mga nakawan,  illegal na droga at kasong frustrated murder ang kanyang kapatid at kalalaya lamang nito mula sa Bureau of Correction, Muntinlupa City. Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad  sa naturang insidente.

Show comments