Rape suspect tiklo sa Navotas

MANILA, Philippines - Hindi nakatakas sa batas ang isang 27-anyos na binata na nagtatago sa mga otoridad dahil sa kinakaharap na kasong panggagahasa sa kanyang lalawigan sa Biliran sa Eastern Visayas makaraang madakip kahapon ng pulisya sa Navotas City.

Nakilala ang nadakip na suspect na si Rodel Garcia, pedicab driver at pansamantalang naninirahan sa no. 79 Bangkulasi St., Navotas.  

Armado ng warrant of arrest na inilabas ni Judge Bien­venido M. Montalla ng Regional Trial Court Eight Judicial Region Branch 16 Naval Biliran Eastern Visayas, nagtungo ang mga tauhan ng Warrant Section ng Navotas Police sa lugar ng suspect na naging dahilan ng pagkakadakip dito.

Nabatid na nabisto ang ginawang krimen ng suspect nang ipagyabang nito sa mga kasamahan sa isang inuman na naglayas siya ng kanyang lalawigan dahil sa may ginahasa siya sa kanyang probinsya.

Isa sa mga kasamahan nito ang nagmagandang-loob at iniulat ang ipinagtapat ng suspect sa Navotas Police na nagsagawa naman ng background check at nadiskubre na totoong nahaharap ito sa kasong panggagahasa sa korte.

Show comments