Ina, 3 anak kinidnap sa Caloocan

MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang isa na namang kaso ng kidnap-for-ransom ang naganap sa Ca­loocan City matapos dukutin ang tatlong mag-iinang Tsinay ng mga di-kilalang kalalakihan kahapon ng umaga.

Pansamantalang hindi muna pina­ngalanan ang ina na may edad 50 habang ang mga anak naman ay may edad 12, 14, at 9, batay na rin sa hiling ng pamilya upang hindi malagay sa peligro ang buhay ng mga biktima.

Sa ulat ng Caloocan City PNP, dakong  alas-7:30 ng umaga nang maganap ang insidente habang sakay ang mga biktima ng Toyota Revo.

Pagsapit sa bisinidad ng  Philippine Cultural School sa 8th Avenue nang biglang harangin ng mga kidnaper ang sasakayn ng mag-iina.

Nakaligtas naman ang isa pang anak na 16-anyos matapos itong lumabas ng sasakyan at nakatakas habang tuluyan nang natangay ang ina at mga kapatid nito.

Inilihim naman ng Caloocan City Police ang naganap na kidnapping sa hindi mabatid na dahilan.

 

Show comments