Obrero hulog mula 5th floor nang ginagawang gusali

MANILA, Philippines - Isang obrero ang nasawi makaraang mahulog mula sa ika-limang palapag ng isang ginagawang gusali  sa Tondo, Maynila kahapon ng madaling-araw.

Dead-on-the-spot ang biktimang si William Lacbayo, 45, stay-in worker at residente ng Hillcrest Village, Camarin, Caloocan City sanhi ng pinsala sa ulo.

Sa report ni Det. Rodel Benitez ng Manila Police District (MPD)-Homicide section, dakong alas-4:00 ng mada­ling-araw nang madiskubreng patay ang biktima sa sementadong kalsada sa itinatayong Seafgear Sea building sa kanto ng Kan­luran at Honario Blvd., Balut, Tondo, Maynila.

Huling nakitang buhay­ bandang gabi ang biktima habang nakikipag-inuman sa mga kasamahang stay-in na mga manggagawa.

Pagkatapos umano ng inu­man ay umakyat sa rooftop ang biktima at hinalang doon na rin nakatulog.

Gayunman, dakong alas-4:00 ng madaling-araw nang nadaanan ang biktima ng ibang mga kasamahan nito na nakahandusay at wala nang buhay.

Sa imbestigasyon ng pulisya, walang saplot na pang-ibaba ang biktima habang nakuha sa tabi ng kanyang tinulugan ang kanyang kumot, shorts, briefs at mga bold magazine.

Show comments