Obrero itinumba

MANILA, Philippines - Patay ang isang construction worker nang pagbabarilin  ng hindi pa kilalang suspect kahapon ng madaling-araw sa Muntinlupa City.

Binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Muntinlupa City Medical Center ang biktimang si Vic Joseph Esca­sinas, 20, ng  Summitville Subdivision, Gonzales Compound, Brgy. Putatan ng naturang siyudad sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.                 

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong ala-1:20 ng madaling-araw  sa kahabaan ng Marcos Avenue, Summitville Subdivision habang naglalakad ang biktima papauwi sa bahay nang biglang sumulpot ang suspect at walang sabi-sabing pinagbabaril ito.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang suspect. Nabatid na bago naganap ang pamamaril, nakaaway ng biktima ang isang alias “Mac Mac”, dating boyfriend ng kanyang (biktima) misis. Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang nasabing insidente.

 

Show comments