Safe house grinanada, pinaulanan ng bala miyembro ng robbery group, utas sa kalabang grupo

MANILA, Philippines -  Patay ang sinasabing miyembro ng isang sindikato habang nakatakas naman ang tatlong kasamahan nito  makaraang hagisan sila ng granada at paulanan ng mga bala ng apat na hindi pa kilalang mga suspek sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.    

Namatay habang gina­gamot sa East Avenue Me­dical Center si Ed Villanueva, ng Cattleya St., Phase 2, Natividad Subdivision, Brgy. 168, Deparo ng na­­turang lungsod na pinaniniwalaang miyembro ng robbery group na ‘Alferez gang.’      

Nakatakas naman ang mga kasama nito na sina An­­tonio Salvador; isang alyas Jim at alyas Panoy ng na­sabing lugar.       

Ayon sa Caloocan City Police, base sa  pahayag ni Nancy Talose, tumatayong caregiver ni Salvador na may sakit na cancer, dakong alas-8:45 ng gabi, nasa loob sila ng bahay kasama ang kanyang 2-anyos na anak na lalaki at yayang si Lovely Rosas kasama sina Salvador nang sumulpot ang mga suspek sabay hagis ng granada kasunod pa ang pagpapaulan ng bala ng baril.       

Nasukol ang nasawi sa banyo ng bahay habang nakatakas sina Salvador sa pamamagitan ng panghaharang sa Toyota Hi-Ace (UVK-709) na minamaneho ng isang Melicio Reonal. Dahil naman dito, natuklasan na ang naturang bahay ang siyang pinaglulunggaan ng ‘Alferez group’.

Narekober ng  mga pulis sa lugar ang shotgun, MK-2 hand grenade, mga bala ng M-14 at M-16, mga plaka ng sasakyan, rehistro; mga AFP uniporme at mga bag.      

Base sa rekord ng Caloocan City Police, lumalabas na ang grupo ng nasawi ay tinaguriang ‘Alferez group’ ay sangkot sa mga kasong robbery, kidnapping at iba pang illegal na gawain.     

Inaalam naman ng mga pulis kung sino ang grupong posibleng nakalaban ng mga ito dahilan para sila sugurin. Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.

 

Show comments