200 pamilya sa Taguig, nasunugan

MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa 200 pamilya ang nawalan ng tirahan sa sunog na naganap kahapon ng madaling-araw sa Taguig City.

Nagsimula ang sunog dakong alas-12:45 ng madaling-araw sa bahay ng isang Carla Jaca  at mabilis itong kumalat sa katabing mga bahay sa Mini Park, Brgy. Fort Bonifacio ng naturang lungsod.

Nabatid kay Arson Investigator SFO1 Douglas Modomo, mabilis na kumalat ang apoy dahil bukod sa magkakadikit ang mga bahay ay gawa pa sa kahoy ang karamihan kaya’t kaagad na umabot sa ika-limang alarma ang sunog bago tuluyang­ idineklarang kontrolado dakong ala-1:49 ng madaling-araw.

“Nakatulugan daw ang nakasalang na tubig ang pinagmulan ng apoy pero may nagsasabi na may isang boarder sa nasunog na bahay ang nagbantang susunugin ito dahil sa dami ng utang,” pahayag ng isang residente sa naturang lugar.

Wala namang iniulat na nasawi o nasaktan sa naturang sunog habang pansamantalang dinala ang mga biktima sa malapit na covered court sa Fort Bonifacio.

Kaagad namang inatasan ni Taguig City Mayor Lani Cayetano ang lokal na social welfare department na tulungan ang mga pamilya ng nasunugan sa pamamagitan ng pamamahagi ng pagkain, gamot at damit.

Show comments