Kelot tinodas sa loob ng SUV

MANILA, Philippines - Sinaksak at napatay ang isang lalaki sa loob mismo ng isang sports utility vehicle (SUV) sa lungsod Quezon, ka­makalawa. Nakilala ang biktima na si Noel Abenir, 34, tricycle driver, ng Patricio Drive, Deparro, Caloocan City.

Ayon kay PO2 Dennis Lla­pitan, may-hawak ng kaso, ang biktima ay natagpuan na lamang duguan at walang buhay habang nakahandusay sa loob ng isang Honda CRV (XNG-268) sanhi ng isang saksak sa dibdib.

Sabi ni Llapitan, tukoy na nila ang pagkakakilanlan ng salarin, pero hindi muna nila ila­labas ang pangalan nito para hindi masunog ang gagawin nilang operasyon.

Nangyari ang insidente habang nakaparada ang CRV malapit sa Chocolate Lover sa kahabaan ng P. Tuazon Bou­levard, Cubao ganap na alas- 3:15 ng hapon.

Nabatid sa pulisya na na­tagpuan na nila ang may-ari ng CRV na nakilalang si Marlon Draga, umano’y bading na nagsabi na ang nasabing sasakyan ay madalas gamitin ng kanyang boyfriend.

Sa kasalukuyan, dagdag ni Llapitan, tinutugis na nila ang boyfriend ni Draga na ki­nokonsidera nilang panguna­hing suspect sa pagpatay. Ang naturang pananaksak din umano ay nangyari malapit sa bahay ng suspect.

Sinabi pa ni Llapitan na hinihintay na lang nila ang pag­dating ng dalawang testigo na kasama ng biktima at suspect nang mangyari ang krimen.

Nabatid na ang testigo, ang biktima at suspect ay mag­ka­ka­sama noong Lunes para mag-casino. Nagdesisyon umano ang apat na isanla ang CRV para magkapera na gagamitin sa pagsusugal sa casino.

Gayunman, habang nasa loob ng sasakyan, ang suspect at ang biktima ay nagkaroon ng pagtatalo, hanggang sa magpa-alam ang una na dadaan muna sa kanyang bahay para kunin ang kanyang identification cards na gaga­ mitin para sa pagsasanla ng SUV. Pagkabalik ng suspect sa sasakyan ay may dala na umano itong patalim saka sinaksak ang biktima.

Sa takot naman ng dalawang testigo ay agad silang nagsipagbabaan sa sasakyan at tumakbo papalayo sa lugar. Gayunman, ilang istambay sa lugar na nakapuna ng komosyon sa loob ng sasakyan ang nagreport ng insidente sa awtoridad.

Show comments