100 katao huli sa gun ban

MANILA, Philippines - Umaabot na sa 100 katao ang nasakote ng mga awtoridad simula nang ipatupad ang gun ban sa bansa ka­ugnay sa nalalapit na eleksyon sa Mayo ng taong ito, ayon sa opisyal kahapon.

 Sa press briefing, sinabi ni P/Director Lina Sarmiento, ng Task Force SAFE (Secured and Fair Elections) 2013 na ang nasabing bilang ng mga naaresto sa paglabag sa Comelec gun ban ay naitala umpisa noong Enero 13 hanggang Enero 20.

Kabilang sa mga nasakote ay 95 sibilyan, apat na government official, isang kasapi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at dalawa naman ang napatay dahilan sa puspusang pagpapatupad ng gun ban.

Nasa 88 namang mga loose firearms ang nasamsam kabilang ang 25 high powered firearms at 63 ang maiikling mga armas.

Maliban sa mga armas, nakasamsam rin ng 35 iba pa na kinabibilangan ng airgun, airsoft gun re­plica, 25 patalim at siyam na eksplosibo­.

Naitala naman sa 13 miyembro ng Private  Armed Groups (PAGs) ang nalansag  na nagresulta rin sa pagkakakum­piska ng pitong mga armas.

Idinagdag pa ni Sarmiento na nasa 7,826 checkpoints sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang inilatag ng magkatuwang na puwersa ng pulisya at militar kung saan 11 ang nasakote, anim dito ay mga most wanted na kriminal at iba pang mga wanted sa batas na nakumpiskahan naman ng 8 loose firearms.

Kaugnay nito, tiniyak  ni PNP Chief Director  General Purisima na mahigpit nilang ipagpapatuloy ang pagpapatupad ng gun ban  at iba pang police operation para mapigilan ang anumang karahasan kaugnay ng napi­pintong halalan.

 

 

Show comments