Dahil sa barilan sa NBI headquarters NBI-NCR: chief sinibak

MANILA, Philippines - Sinibak kahapon ni Justice Secretary Leila de Lima  si National Bureau of Investigation-National Capital Region Director Manuel George Jularbal matapos ang insidente ng bari­lan sa nasabing tanggapan noong Biyernes.

Magugunitang binaril ni Special Agent Nestor Pascual  si Joselito Guillen na na­sugatan sa loob ng NBI compound.

Maliban kay Jularbal, pinatatanggal na rin ni De Lima ang mga miyembro ng NBI-NCR na kasama sa inuman sa birthday party noong Biyernes ng gabi.

Ayon kay De Lima, ang pagkakasibak kay Jularbal ay dahil sa command responsibility.

Lumilitaw na dahil sa impluwensiya ng alak nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng mga nag-iinuman hanggang sa ilabas ni Pascual ang baril at ipinutok kay Guillen.

Sa panig ni Jularbal, handa naman aniya siyang sumunod  sa utos ni De Lima bagama’t sinabi nito na hindi niya kontrolado ang sitwasyon.

Aniya, inaasahan na rin niya ang aksyon na ito ng justice chief.

Show comments