MANILA, Philippines - Isa na namang taxi driver ang biktima ng kalunos-lunos na panghoholdap ng kanilang pasahero na bukod sa kinuha na ang kinita sa pamamasada ay brutal pa itong pinagsasaksak hanggang sa mamatay sa lungsod Quezon.
Ito ang nabatid sa Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, makaraang matagpuang walang buhay si Rodolfo Franco, 31, may-asawa ng no. 112-B CordilÂlera St., Brgy. Lourdez Sta. Mesa Heights ng nabanggit na lungsod sa loob ng kanyang pinapasadang Hyudai Taxi (UVM-180) na may tatak na 1010 Trans, ganap na ala 1:45 ng madaling araw kahapon.
Ayon kay SPO2 Greg Maramag ng CIDU, sa mismong harap ng isang bahay sa no. 6 Daffodils St.,Del Nacia 1, Brgy Tandang Sora, natagpuan ang biktima habang sakay ng kanyang taxi.
Bago nito, ayon sa saksing si Mark Palomar, nakikipag-usap umano siya sa kanyang girlfriend sa cellphone sa harap ng kanyang bahay nang mapuna niya ang naturang taxi na nagmaneobra sa naturang lugar, ilang metro lamang ang layo mula sa kanya.
Nang huminto ang taxi, nakita umano niya ang dalawang lalaki na lumabas ng naturang taxi at kaswal na lumayo sa lugar.
Ilang minuto ang lumipas, nagtaka umano si Palomar kung bakit naroon pa rin sa lugar ang taxi at hindi umaalis.
Dahil dito, nagpasya si Palomar na tumawag sa hotline 117 ng pulisya at ipinabatid ang naturang insiÂdente, hanggang sa dumating ang tropa mula sa Police Station 3 na nagsagawa ng beripikasyon.
Nang simulang siyasatin ng awtoridad ang taxi ay saka bumulaga sa kanila ang duÂguang katawan ng taxi driver habang walang buhay na nakalugmok sa driver seat nito.
Agad na itinawag ng PS3 sa CIDU ang pangyayari kung saan sa ginawang occular investigation ay nabatid na nawawala ang pera at iba pang dokumento ng biktima.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operations (SOCO) nakarekober ang mga ito ng isang patalim na ginamit sa pananaksak at pares ng tsinelas na may tatak na Sandugo.
Lumitaw din sa pagsisiyasat na nagtamo ang biktima ng multiple stab wounds sa iba’t-ibang parte ng kanyang katawan at ulo na indikasyon na maaring nanlaban ito sa mga suspect.
Patuloy ang pagsisiyasat ng CIDU sa nasabing insiÂdente.