MANILA, Philippines - Isang lola na pinaniniwalaang deboto ng Itim na Nazareno, ang nakitang palutang-lutang sa Ilog Pasig sa Maynila kahapon ng umaga.
Inilarawan ang biktima na nasa gulang na 50-60, maiksi ang buhok, payat, nakasuot ng checkered na green long sleeves at itim na pantalon.
Sa report ni Det. Rodel Benitez, dakong alas-7 ng umaga nang madiskubreng nakalutang ang biktima sa ilog sa likod ng Maynilad compound sa Arroceros, Manila.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) na si Edwin Perez, nakatalaga sa Malacañang, kasalukuyan siyang nagpapatrulya sa lugar nang napansin nito ang nakalutang na katawan ng biktima dahilan upang ipagbigay-alam sa pulisya.
Pinaniniwalaang kabilang sa mga namamanata sa Itim na Nazareno ang biktima dahil nakuha sa kanyang pag-iingat ang isang kulay pula na panyo kung saan nakadisenyo ang mukha ng Itim na Nazareno.
Inaalam pa kung ano ang dahilan ng pagkamatay ng biktima.