MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ni Manila Mayor Alfredo S. Lim na handang-handa na ang pamunuan ng Manila City government sa itinuÂturing na pinakamalaking prusisyon sa bansa sa Pista ng Itim na Nazareno bukas, Enero 9.
Kasabay nito, nilinaw naman ni City Administrator Jay Marzan na suspendido ang mga klase bukas, Miyerkules, sa mga paaralang maaapektuhan ng prusisyon.
Kabilang dito ang A. Mabini Elementary School, Geronimo Santiago Elementary School, Ramon Avanceña High School, Manila High School, V. Mapa High School, Araullo High School, City College of Manila, Pamantasan ng Lungsod ng Maynila at Manila Science High School.
Ani Marzan, sa mga pribadong eskwelahan na maaapektuhan din ng prusisyon, nais aniya ng alkalde na ang pamunuan na mismo ang magpasya kung ikakansela ang klase.
Kabilang sa ginawang paghahanda ng city hall para sa ‘Translacion’ ang pagsasaayos ng mga daraanan tulad ng kalye, lightings, stage at iba pang kakailanganin, sanitation tulad ng portalets at pagtutok ng department of public service na pinamumunuan ni ret. Supt. Carlos Baltazar. Pakikipag-ugnayan sa National Parks Authority para sa gagamiting Quirino Grandstand at pasilidad ng Luneta Park at pag-aantabay ng mga nakatalagang miyembro ng Manila Disaster office, na makikipag-ugnayan naman sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Kasado na rin ang seguridad at kaayusan, ani Manila Police District (MPD) Director Chief Supt. Alex Gutierrez.