P.2m reward inilabas vs suspect: Nakabaril kay Stephanie, ka-lugar lang

Lalong bumuhos ang emosyon sa tahanan ng pamilya Ella makaraang idating kahapon ang mga labi ni Stephanie. (Kuha ni Joven Cagande)  

MANILA, Philippines - Pinaputok umano sa dis­tansyang 50 metro ang bala ng baril na tumama sa 7-anyos­  na si Stephanie Nicole Ella.

Ito ang nabatid base sa inisyal na autopsy report ng medico legal division ng PNP kung saan pinaniniwalaang malapit lamang umano ang gunman na nagpaputok ng cal. 45 pistol na tumama sa kaliwang bahagi ng ulo at sumapul sa bata.

Si Stephanie ay ilang araw na na-comatose bago ito tuluyang binawian ng buhay dakong alas-2:26 ng hapon sa East Avenue Medical Center sa Quezon City noong Miyerkules.

Kagabi isang dating sundalo ang inaresto na sinasabing nagpaputok umano ng baril noong bisperas ng bagong taon sa lugar  nina Stephanie .Nasa kustodiya na ng Caloocan police ang suspek na si Juan Agos  at tatlong kainuman nito.

Gayunman, lumalabas na ang baril na ginamit nito ay sinasabing hindi tugma sa bala na tumama kay Stephanie.

Nagpalabas din kahapon ang pamahalaang lungsod ng Caloocan ng P.2 milyong reward para sa madaling ikadarakip at tutukoy sa suspect.

Sinabi ni Caloocan Mayor Recom Echiverri na makakatulong ito para agad na mabigyang hustisya ang pagkamatay ni Stephanie.

Kasabay nito, tiniyak naman ni PNP Chief Director Alan Purisima na bibigyang hustisya ang sinapit ng biktima. 

Ayon kay Chief Inspector Joseph Palmero, Chief ng PNP Medico Legal Division ang biktima ay nasawi sa ‘brain hemorrhage secon­dary to the gunshot wounds’ na tinamo nito. Ang bala ay tumama sa kaliwang bahagi ng utak ni Stephanie  na nag­lagos sa kaliwang bahagi ng kanyang mukha sa tabi ng ilong nito.

Sinabi ni Palmero na ‘fatal” o grabe ang tinamong tama ng bala ni Stephanie kung saan ay ‘brain dead’ o comatose kaagad ang bata na tuluyang sumakabilang buhay matapos ang ilang araw na pakikipaglaban kay kamatayan.

“Based on the autopsy report, we were able to estimate the angulation. The hole in the skull is round so it means the trajectory was about 90 degrees. We can presume that based on the physical evidence that we gathered, the gunman was very near,”  anang opisyal.

Sa kasalukuyan ay dinedetermina na ng pulisya ang posisyon at direksyon kung saan nakaharap ang bata bago ito tamaan ng bala upang madetermina kung saan nanggaling ang nasa­bing stray bullet.

Samantalang nagsasagawa na rin ng ballistic exami­nation ang pulisya sa bala na tumama kay Stephanie upang matukoy kung sino ang may-ari ng baril pero ang proseso ay tatagal pa ng ilang araw.

 

Show comments