MANILA, Philippines - Isang tsuper ng bus ang nasa kritikal na kondisyon nang saksakin ito ng kapwa niya driver matapos na magkagitgitan sa trapiko kahapon sa Caloocan City.
Inoobserbahan sa Manila Central University Hospital (MCU) sanhi ng saksak sa katawan ang biktimang si Jeffrey Toledo, 43, ng Hagonoy, Bulacan.
Nakakulong naman sa Caloocan City Police ang suspek na si Eduardo Calubaquib, 39, ng Libis Espina ng nabanggit na lungsod.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-9:00 ng umaga sa may Monumento sa naturang lungsod.
Minamaneho ng biktima ang isang pampasaherong bus at ang suspek naman ay truck ang minamaneho.
Nagkaroon ng gitgitan sa pagitan ng mga ito at parehong bumaba ang mga driver.
Dito na nagkaroon ng pagtatalo hanggang sa sinuntok at sinakal ng biktima ang suspek.
Nang makawala ang suspek ay tumakbo ito sa kanyang truck, subalit sinundan pa ito ng biktima. Dito ay nakahagilap ng patalim ang suspek at inundayan ng saksak ang biktima.
Mabilis na isinugod sa nabanggit na pagamutan ang duguang biktima at ang suspek naman ay nadakip ng mga pulis na rumesponde.