MANILA, Philippines - Arestado ang isang dating sundalo makaraang tangkaing magpasok ng hinihinalang shabu sa loob ng Pasay City Jail na inipit sa tsinelas, kamakalawa ng hapon sa naturang lungsod.
Agad na ipinasa ang kustodiya sa Pasay City-Station Investigation and Detective Management Section ang nadakip na si Samad Ma-Amor, 37, dating miyembro ng Philippine Army, at residente ng Baclaran,Parañaque City. Nakumpiska sa posesyon nito ang 18-pakete na naglalaman ng shabu na inipit sa kaliwang suot na tsinelas.
Sa inisyal na ulat ng Pasay Police, dakong alas-3:20 kamakalawa ng hapon nang magpanggap na dalaw si Ma-Amor sa presong si Hiro Abdul Abdulah, nahaharap sa kasong iligal na droga, nang mapansin ni JO1 Ester Mae Sustituido ang paika-ikang lakad nito.
Sinita ng jail guard si Ma-Amor at ininspeksyon ang tsinelas nito kung saan nadiskubre ang pakete ng mga iligal na droga na inipit dito.
Sa imbestigasyon, itinanggi ni Ma-Amor na sa kanya ang mga iligal na droga. Ikinanta nito na binayaran umano siya ng isang alyas Alieza na ipasok ang iligal na droga sa presong si Abdulah gamit ang naturang makapal na tsinelas.
Ito na ang ikalawang pagkakataon ngayong buwan na nasabat ng mga jailguard ng Pasay City jail ang tangkang pagpapasok ng iligal na droga. Kamakailan, isang babae ang inaresto nang tangkaing magpasok ng iligal na droga na ipinasok pa umano sa loob ng kanyang ari ngunit nadiskubre rin nang kapkapan siya ng mga babaeng jailguards.