Kelot na pumatay sa 18-anyos niresbakan, itinumba rin

MANILA, Philippines - Patay din sa pamamaril ang isang 28-anyos na lalaki na sinasabing pumaslang sa isang out-of-school youth sa Parola Compound, Port Area, Maynila, kamakalawa ng hapon.

Tadtad ng tama ng bala sa katawan ang nasawing si  Ariel Borja alyas  “Yayi”, ng Block 1,  Gasangan, Baseco  Compound,  Port Area, Maynila.

Itinuturong suspect ang isang  alyas “Jaymar”,  25,  ng Parola Compound,  Binondo, na umanoy armado ng .9mm kalibreng baril.

Sa ulat ni PO2 Crispin Ocampo ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-2:50 ng hapon nitong Disyembre 24, nang maganap ang insidente sa harap ng bahay sa  585 Gate 58, Parola Compound.

Nabatid na naglalakad umano sa eskinita ng Gate 58 ang biktima nang biglang sumulpot ang suspect at walang sabi-sabi itong pinagba­baril. Mabilis namang tu­makas ang suspect matapos ma­kitang bumulagta na ang biktima­.

Bago pa ang pamamaril sa biktima, napatay umano nito, may ilang oras lang ang nakalipas, ang isang  Mark John Rambuasa, isang 18-anyos na out-of-school youth sa nasabi ding lugar.

Base sa nakuhang impormasyon ng pulisya, ang  biktima ay sangkot sa iba’t ibang kaso ng  pamamaslang at kabilang ang nakabinbing kaso sa napatay nitong  si Mark  Aloba na nasa  Manila RTC, Branch  28.

Patuloy pa ang imbestigasyon para maresolba ang ma­gkakarugtong na kaso ng pamamaslang.

Show comments